Saturday, December 6, 2008

my first attempt at cheerdancing

bruises. helicopter. push ups. lifting. camaraderie. elevator. fall. pilay. sakit ng katawan. enjoyment.

sa buong buhay ko, hindi ko inakalang mararanasan ko ang cheerdancing. madalas napapanood ko lang sya sa TV at kung titingnan mo parang ang dali maghagis hagis sa ere na may paikot ikot pa (helicopter) at mga lifting na kala mo nagbubuhat lang ng unan.

enjoy panoorin. hanggang sa nakita ko na lang ang sarili ko na nasa gitna ng field, nagpapractice ng steps. nagbubuhat. sumisigaw. nagpapalipad at sumasalo.

para san ba tong @$#$@ na ginagawa namin? para sa xmas party namin na sports ang theme. buti na lang isang laro na lang ang sasalihan ko. sapilitan pa. kung di lang dahil sa memo bat ko ba pag aaksayahan ng panahon yan.

nung makalawa lang ako nagumpisa ng practice. ilang practice na rin ang di ko sinipot nung una dahil sa katamaran, daming trabaho, katamaran ulit, at dami ng trabaho ulit. 4 practices akong wala. buti nakuha ko agad yung steps kanina. whew. at yung mga matitigas ang mukha (aray) na di pa rin umattend kanina despite the memo, goodluck sa explanation slip nyahahaha!

nung una support lang ako. siguro nakitang mukha akong tingting na di kayang magbuhat. yes. gaan ng role. hehehe. hanggang sa tinawag ako para paliparin nang paikot yung isa naming kasama. at bukod pa dun, meron pang sasakay sa balikat ko sabay buhat. nakanang. instant gym.

nung una akala ko di ko sya maeenjoy. umuuwi ako na palaging masakit ang katawan. practice ng sayaw sa festival sa umaga, cheerdance sa gabi. hanggang sa unti unti na nagkaroon ng bonding ang grupo. nakakabuo na ng steps at stunts. nagkakabiruan na. sumasaya na ang practice.

sa monday na ang sayaw para sa rehiyon rehiyon festival. pahinga muna ng practice sa cheering. balik sa miyerkules. sana di ko makalimutan ang steps at lifts.

at eto nga pala ang remembrance ko sa unang practice ko. hiwa ng sapatos sa kamay nung may bumagsak. ayos vindicated na.

Sunday, November 16, 2008

kilabot ng mga ojt

"sir dennis... patingin naman po..."

"ng ano?"

kahit alam ko naman kung ano talaga ang kailangan nilang tignan, gawi ko na itanong sa kanila kung ano ang pakay nila sa paglapit sa kin.

ganyan ako sa mga ojt namin. naninindak. o sabihin na nating serious mode lang ako sa kanila. kaya tuloy sinasabi ng mga volunteers namin na takot daw yung ibang ojt na lumapit sa akin. kapag natapat sila sa dokumento na kailangang lumapit sa akin, ipinapasa nila sa mga mas senior na ojt o mga volunteers namin na matagal na dito at nakakabiruan ko na. kulang na lang yata ay sabihin sa king pahiran ko sila ng laway bago sila umalis para di sila mabati.

di ko naranasan ang mag ojt. wala kase sa course namin yun. di ko naranasan ano pakiramdam nung para kang batang ibon na susubok pa lang lumipad. teka parang ang layo. i mean, yung pakiramdam nung una mong pagsubok sa tinatawag na real world. di ko naranasan yung inuutus-utusan na hindi naman sinuswelduhan.

pero alam ko naman ang pakiramdam ng mga ojt namin dito. nahihiya lang din siguro sila dahil hindi ako masyadong palangiti sa mga taong di ko pa nakakapalagayan ng loob. siguro iniisip nila na napaka unfair ko kase may mga volunteers at ojt kami dito na kabiruan ko at hinahanap ko kapag nawawala.

iha, kung alam nyo lang kung pano ko kayo ninanakawan ng tingin. oo kayong dalawang bagong ojt. *hahaha manyak mode!* syempre tinitignan ko kung paano nyo ginagawa ang trabahong nakatoka sa inyo.

mabuti na lang may mga kasamahan sila dito, ang bodega troopers (bansag ko sa kanila dahil palaging nakatago sa bodega) na sinasabi na hindi naman ako nangangain at nangmamanyak ng mga ojt. laking gulat ko nang buong sigla at confident na lumapit sa kin ang isang ojt nung isang araw...

"sir dennis... patingin po..."

"ah ok eto o." *malumanay at malambing tone*

o ano? masungit ba ako? di naman ah. alam kong binabansagan nyo akong suplado pero ok lang dahil medyo totoo naman. kahit pa pabiro kayong bumubuo ng "pabaitin si sir dennis movement" sa loob ng bodega e ok lang din.

ayoko naman din na magiwan ng masamang imahe sa mga ojt na pumapasok sa opisina namin. pero ewan ko ba gustong gusto ko yung sitwasyon na sa mga unang linggo e ilag sila sa akin dahil mukha daw akong masungit pero pag patapos na ang pag o ojt nila dito ay buddy buddy na kami, nagbibiruan, nag aasaran, at syempre may natututunan. yung tipong mapapalagay na ang loob nila sa akin na kaya na nilang sabihin ang nasasaloob nila. so far, ganun naman ang nangyayari. mabuti din naman kasi na nalalaman mo kung ano ang iniisip ng ibang tao sa yo.

"sir nung una talaga natatakot ako sa yo kasi di ka ngumingiti. bungisngis ka pala saka ang lakas ng kiliti mo sa tagiliran. hahaha!"

kaya sa mga ojt namin, di naman kayo dapat matakot sa akin. di naman ako nangangagat. kailangan confident lang kayo sa sarili nyo at marunong rumispeto. kung sa tipo ko pa lang nasisindak na kayo, edi lalo na kapag tapos na kayo mag aral. baka nasa job interview kayo o kinakausap ng big boss e bigla na lang kayo mangisay at magcollapse. kaya nga kayo nag oojt ay para mahasa din kayo sa pakikisalamuha bukod sa patikim ng trabaho na haharapin nyo pagkatapos nyo mag-aral.

kaya by next week, may naiisip akong bagong approach sa inyo mga minamahal kong ojt. outwit. outplay. outlast. bawal ang umiyak. bawal ang magreklamo.

"sshhh sshhh ineng, tama na, wag ka na maingay, di kita sasaktan." hahaha!

at sa mga susunod pang mga ojt na dadaan sa amin, eto ang mensahe ko sa inyo...

"GGRRRROOOOWWWLLL!!!!"

Thursday, October 30, 2008

blangko

ang tagal ko na pala di nakakapag update ng blog. actually, sobrang busy kasi. minsan may nag pa pop up sa isip ko na ang gusto kong iblog pero due to time constraints, nakakalimutan ko na minsan. lalo kapag lulong na lulong ako sa trabaho.

haaaay. kaya siguro ako namamayat. madami na ang nakakahalata. ang dami ko rin kasi iniisip. mabuti at nalilibang ako sa mga kaibigan ko kahit papano.

yun lang muna. tsaka na ko na ika-career ang pagba blog pag nakahanap ako ng free time. ang dami ko pa naman gustong ikwento.

Friday, October 17, 2008

stress buster

ang sarap pala magalit paminsan minsan. ako yung taong hindi talaga marunong magalit pero gaya ng inidorong barado, napupuno din ako paminsan minsan.

ayokong masira ang peyborit kong keyboard sa sobrang gigil kaya di ko na ikukwento nang detalyado kung ano ang nangyari. o mga nangyari.

ang importante, naibulalas ko yung galit na nararamdaman ko. nakakarelief. success.

nakakastress din pala yung masyado kang madaming dinadalang negatibong bagay.

haaaaaaaay.

Tuesday, October 14, 2008

a not so ordinary day

buong akala ko lilipas na naman ang araw na to na walang masyadong pagbabago sa daily routine ko. masyado na ako nagugumon sa trabaho na halos may mga bagay na akong naipagsasawalang bahala. buti na lang matatapos ang araw na ito na masaya.

nagparamdam mula sa pagkakabaon sa hukay ang bespren ko nung hayskul. kapag tunay na kaibigan talaga kahit matagal kayo di nagkikita pag nagkausap kayo ulit parang kahapon lang kayo huling nagkasama. naubos ang load ko at hindi halos natapos ang trabaho ko sa walang katapusang pagbabalitaktakan na nagmula lang sa tanong nyang kung paano mag apply para sa exam sa civil service. bigla ko tuloy naalala yung samahan namen nung hayskul, yung coleman nya na malaki na ang laman ay juice na palagi kong inuubos kaya zesto na lang ang binabaon nya. yung pagpapakopya ko sa kanya sa math 4 noon na kahit 96 ang naging grade nya sa card at ako ay 95 lang (yabang mode) e hindi ko sya naisipang ihulog sa hagdan sa sobrang pagkabitter. (iba blog ko na lang nang separate ang tungkol sa hayskul layp)

tapos ngayong gabi naman nagtext din ang isa ko pang bespren. andito pala ang damuho hindi man lang nagsabi. sana man lang ay nasalubong ko sya ng prusisyon para i welcome sya. kaso ang hilig nya manorpresa. nagyayang lumabas at dadaanan nya ako mamaya. ang dami na rin naming pinagdaanan neto. madami nang pangyayari na nagpatatag sa aming samahan. gagong yun. buti na lang wala akong lakad ngayong araw at pwede ako lumabas.

at syempre, anong ligaya pa ang hihigit kapag payday na diba? but wait there's more. anong gagawin mo kung may sweldo na, tapos adjusted na ang sweldo mo, tapos may tax refund ka pa, tapos may overtime pay ka pa? o diba para ka na ring tumama sa lotto? palit ticket nga lang. pero ok na rin yun. grasya na rin yun kaya thank you Lord.

sana araw araw ganito, yung may surprise. wag lang yung surprise na mala regal shocker ang dating. yung good surprise ba. sabagay, everyday is a surprise daw. it's a gift. that's why today is called "present". madami naman surpresa sa araw araw, yun nga lang, tayo lang ang namimili kung paano natin ito tatanggapin.

Friday, October 10, 2008

bakasyon grande

di ko alam kung ako lang ang nakakaramdam ng "nakakatamad-pumasok-pagkatapos-magbakasyon" syndrome.

bakit naman kase di pa gawing 4 days ang day off at 3 days ang trabaho o kaya naman kung 5 days ang trabaho e gawin namang break time ang 10am-2pm with coffee breaks at 9-915am at 3-315pm. mas makatao diba?

isa pa, sana pag may long weekend, i extend na nila. di ba nila alam na psychologically nakakaapekto yung ang haba haba ng bakasyon tapos pagpasok mo ang daming trabaho? inhuman! sana kung walang pasok ang monday, gawing half day naman ang tuesday, tapos diretso whole day na kapag wednesday. in your dreams...

gaya nyan, galing akong baguio last week. habang nasa bus ako pauwi nag eemote emote na ko kakaisip ng babalikan kong trabaho in a paking monday. paking monday talaga panira. dagdagan pa ng mga taong kung makahingi ng pasalubong kala mo binili mo ang buong cordillera region or kala mo pinadala ang buong metrobank sa yo sa dame ng pera.

ano pa nga ba magagawa ko? kung anong sarap ng bakasyon, syang nakakabanas naman pagbalik sa trabaho. haaaay. kung pwede lang sanang gawing full time job ang pagbabakasyon...

Saturday, September 27, 2008

lindol

lumindol daw kaninang umaga. mga bago mag 11 am. kasalukuyan akong andito sa opisina at nag tatrabaho (?) nang biglang magtanong ang kasama ko at si boss kung lumilindol. tahimik akong nakiramdam. para nga akong nahihilo. tumingin ako sa water dispenser at umuuga nga sya. tahimik ulit akong nakiramdam kung lalakas pa, o kung mararamdaman ko. di kase ako nakakaramdam ng mga mahihinang lindol. ang alam ko lang na umuuga ay kapag nasa kama ako at... yun na.

ganun daw talaga kapag sobrang init tapos sobrang lamig. sala sa init sala sa lamig. siguradong karambola sa sala sa bahay kapag biglang lumakas. pero wag naman sana. *knock on wood* ayoko na maranasan pa yung 1990 earthquake. porsyur dead on the spot ako sa sobrang nerbiyos. nerbiyoso pa naman ako. (fact about me)

tama na yung gumagawa ako ng sariling lindol... sa kama.

Friday, September 26, 2008

unang banat.


unang una, gusto ko munang i-welcome ang aking alter-ego sa blog na 'to.

bakit urban ermitanyo? wala lang. parang click lang syang pakinggan. feeling mystery man in the city ba. bigla lang syang nag pop sa utak ko habang jumejebs ako. yup, lumalabas ang aking creative juices kasabay ng aking pagjebs.

ang daming mga bagay bagay na bigla biglang sumusulpot sa aking isipan na gusto ko sanang iblog, kaso di ko naman magawa dahil busy. kapag naman gusto kong magblog, wala akong maisip na topic na isulat. kulit no?

ano ba ang maeexpect nyong makita sa blog na 'to? hmmm, mga bagay na naoobserbahan ko na mahirap iblog nang ingles (haha), mga puna, at kung anu ano pa. basta pipilitin kong maging interesting ang mga sinusulat ko dito, or at least man lang yung paraan ng pagkakasulat ko. boring na nga ang lay out, boring pa ang nakasulat.

so dito ko muna pansamantalang ititigil ang pagsusulat ko. dala na rin ng gutom at ng amo na hindi pa umaalis ng opisina, mahirap mag-isip ng maisusulat diba lalo't maya't maya ka tumitingin sa likuran mo.

welcome po sa blog ni urban ermitanyo!!!

p.s.

baka naman may masasabi kayo kung bakit urban ermitanyo? suggest naman para may relevance ang title ko. hehehe.